‘Hello Garci’ puwede nang iparinig sa Senado
Posibleng magtuloy-tuloy na ang pagpaparinig ng kontrobersyal na “Hello Garci” tape sa Senado.
Ito ay matapos na tumanggi ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa kagustuhan nina retired Court of Appeals (CA) Justices Santiago Ranada at Oswaldo Agcaoli na harangin ang pagpaparinig ng naturang tape na kasalukuyang dinidinig sa Senado.
Kinuwestiyon ni SC Associate Justice Angelina Sandoval Gutierrez ang legal standing ng dalawa kung bakit nila kinukuwestiyon ang pagpaparinig ng “Hello Garci” tape at kung ano rin ang masamang maidudulot nito sa kanila.
Kinuwestiyon din ni Justice Gutierrez ang mga petitioner kung ano ang masamang idudulot nito sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) na kanilang kinabibilangan at kung bakit hindi kasali bilang petitioner ang IBP.
Sinabi naman ni Agcaoli na walang maidudulot na masama sa kanila sakaling maipagpatuloy ang pagpaparinig ng naturang tape subalit magagastusan lamang umano ang gobyerno sa naturang hakbang.
Bunsod sa ilang katanungan ni Gutierrez na hindi masagot ni Agcaoli kaya nagduda ang una sa motibo ng paghahain ng petisyon ng huli.
Dahil dito kaya pinayuhan na lamang nito sina Agacaoli at Ranada na makipagtulungan na lamang sa isinasagawang pagdinig ng Senado upang maiparinig ang kontrobersyal na tape para na rin sa kapakanan at integridad ng halalan sa bansa. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending