Upang maging patas at makabuluhan ang gagawing imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal na ZTE broadband project ay hiniling ng grupo ng mga abogado na mag-inhibit na lamang sa pagdinig sina Senators Aquilino Pimentel Jr. at Jinggoy Estrada.
Pinuna ni Atty. Leonard de Vera, dating private prosecutor sa Estrada plunder case at siya ring chairman ng Equal Justice for All Movement, na ang kaarogantehan at bias nina Sens. Pimentel at Estrada laban kay Comelec Chairman Benjamin Abalos ay nakapagbibigay ng alinlangan sa pagiging parehas ng imbestigasyon.
Ayon kay de Vera, ang pagtatanong ni Pimentel kay Abalos tungkol sa umano’y “babae” nito sa isang public relations specialist ay walang koneksiyon sa tanong sa broadband project.
Sa kaso naman ni Jinggoy, sinabi ni de Vera na tulad ng alam ng Sambayanan, hindi pa kiniki lala ng senador hanggang ngayon ang legalidad ng pagiging Pangulo ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Sinabi ni de Vera na mas makabubuti kung ang ZTE investigation ay isasagawa na lamang sa husgado kung saan garantisado ang pagsunod ng lahat sa tamang proseso.
“Hindi tulad sa Senado na puwedeng magbato ang nagaakusa ng lahat ng klaseng bintang at maaanghang na salita sa akusado dahil mayroon silang immunity sa naturang kapulungan,” ayon kay de Vera.
Ganito rin ang opinion ng batikang abogado at PSN columnist na si Atty. Jose Sison.
Sinabi ni Sison na sa husgado, ang mga patakaran sa ebidensiya ang nasusunod. Ang mga insulto at kaarogantehan ay hindi pinapayagan at hindi rin puwedeng halukayin ang pribadong buhay ng akusado kung hindi din lang ito konektado sa kaso.
“Tutal ang Senado ay magrerekomenda lamang, ang husgado pa rin ang may awtoridad pagdating sa mga usapin at desisyon sa mga kaso ng katiwalian,” ayon kay Sison.
Idinagdag pa ni de Vera na ang impeachment complaint na isinampa laban kay Abalos ay maaaring magdulot ng constitutional crisis sapagkat ang Senado na nag-aakusa sa kanya ay siya ring lilitis ng reklamo.
Samantala, itinanggi kahapon ni Sen. Joker Arroyo na pinagbawalan niya si dating NEDA director Romulo Neri na ibunyag ang kanyang nalalaman kaugnay sa NBN-ZTE deal.
Sinabi ni Arroyo na sasagutin niya ang mga alegasyong ito sa sandaling magpatuloy ang Senate inquiry kaugnay sa broadband project. (May ulat ni Rudy Andal)