Isang Pinoy chief electrician ang kinidnap ng mga armadong lalaki sa Nigeria noong Huwebes ng gabi.
Gayunman, tumanggi muna si Foreign Affairs Undersec. for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr. na tukuyin ang pangalan ng biktima habang hindi pa naiimpormahan ang pamilya nito.
Ang Pinoy na sinasabing nagtratrabaho sa isang Italian company sa Nigeria ay dinukot kasama ang ilan pang katao sa Port Harcourt.
Nabatid na sa kabila ng ban o pagbabawal ng pamahalaan sa pagtratrabaho ng mga Pinoy sa Nigeria ay patuloy pa rin ang pagpuslit ng mga ito sa nasabing bansa.
Nananatili naman ang pagpapairal sa boluntaryong repatriation ng mga OFWs sa Nigeria upang maiwasang mabiktima ang mga ito ng kidnapping doon kung saan target ng mga militants ay mga dayuhan.
Magugunita na noong Enero 22 ay dinukot rin ng mga militante doon ang 24 Pinoy seamen sa Warri na nasasakupan ng Niger Delta na pinalaya matapos ang halos isang buwang pagkakabihag. (Joy Cantos)