Wa-epek ang ipinalabas na ultimatum kamakailan ni Batangas Governor Vilma Santos sa kanyang mga local na pulisya na kailangang sa loob ng 100 araw ay masawata na ang illegal na sugal na jueteng sa kanyang lalawigan.
Ang dahilan, sa halip na magwakas ito sa darating pang buwan ng Nobyembre, lalo pa umanong namayagpag ang jueteng sa buong Batangas.
Dahil dito, nananawagan ang mga Batangueno kay Archbishop Arguelles na makialam na sa problema sa jueteng dahil mismong si Ate Vi umano ay mistulang binubulag na ng kanilang police provincial director na si Sr. Supt. David Quimio Jr.
Nabatid na ang buong 1st district ng Batangas ay hawak umano ng kapitalistang itinago sa pangalang Don Pepe A. Bukod dito, siya rin umano ang may pa-jueteng sa bayan ng Alitagtag, Lemery at Agoncillo.
Sa bayan ng Rosario, San Juan at Lipa City, isang barangay official na may alyas Manny umano ang kapitalista ng jueteng. Isang alyas Buddha naman ang may pataya sa Calaca, Batangas, samantalang alyas Junior V ang siga ng jueteng sa Ibaan at Calatagan, habang sa Padre Garcia at Tanauan ay isang alyas Kune naman ang kapitalista ng jueteng.