‘Babae’ ni Abalos nakaladkad sa ZTE
Maging ang diumano’y “babae” ni Comelec Chairman Benjamin Abalos ay nakaladkad na sa pagdinig ng Senado sa kontrobersiyal na national broadband network (NBN) nang bigla itong ungkatin ni Senate Minority leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel, ilang minuto bago suspindihin ang pagdinig sa ZTE broadband deal.
Tinanong ni Pimentel si Abalos kung may kilala siyang siyam na taong gulang na batang babae na ipinahiwatig nitong anak sa labas ng Comelec official.
Kitang-kita ang biglang pagbabago ng reaksiyon ni Abalos sa naturang tanong at sinabi nitong hindi niya alam kung saan nanggaling ang anggulo na anak niya ito sa labas.
“Your honor, huwag naman hong ganoon…” sabi ni Abalos kay Pimentel.
Pero tinanong din ni Pimentel si Abalos kung may kilala itong Evelyn Silagon na umano’y ina ng naturang bata.
Sinabi naman ng Comelec chair na kilala niya si Silagon dahil dati itong media practitioner at nagtrabaho sa kanya noong hepe pa siya ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Pero itinanggi ni Abalos na may relasyon siya kay Silagon at lalong binigyang-diin nito na wala siyang anak dito.
Nang tanungin kung nape-personal na siya ni Pimentel, ang buong sagot na lamang nito ay: “You said it.”
Matatandaang, galit si Sen. Pimentel sa Comelec dahil biktima umano ng pandaraya noong senatorial election ang anak nitong si Aquilino ‘Koko’ Pimentel III.
Si Koko Pimentel ay ‘tinalo’ sa pang-13 puwesto ni Sen. Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na inakusahan ng beteranong mambabatas na nakipagkita umano si Abalos sa ina ng bagitong senador sa isang restaurant sa Makati City.
Itinanggi rin ni Abalos na ‘powerful’ siya noong nakalipas na eleksiyon dahil pati si Senador Nene ay nakuhang manalo noong nagdaang 2001 election kahit na hindi ito lumapit sa kanya. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending