Kumikilos na ang National Bureau of Investigation upang tiyakin na hindi na muling makakakilos ang pornograpikong website sa internet na tinatawag na “www.boybastos.com”.
Ito ay matapos na atasan ng Department of Justice si NBI Director Nestor Mantaring na gumawa ng hakbang upang matiyak na hindi na makakapag-operate ang nabanggit na website makaraang pakawalan pansamantala ang naarestong suspek na nag-ooperate nito.
Unang tinawag ni Sen. Loren Legarda ang atensiyon ng mga awtoridad kaugnay sa www. boybastos.com na nagbibigay ng libreng pornography sites at links.
Libre umanong nadadown-load ang mga malalaswang videos at larawan ng mga Pilipina at maging ng mga bata.
Sa unang operasyon ng NBI ay nadakip ang sinasabing operator ng website na si Mark Verzo ngunit pinakawalan din ito pansamantala ng ahensiya.
Nauna rito, inatasan ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang NBI na tiyaking hindi na makakabalik sa operasyon ang naturang website.
Iginiit naman ni Verzo na wala siyang nagawang paglabag at ang kanyang paggawa ng sariling website ay kaniyang karapatan sa ilalim ng freedom of expression. (Grace de le Cruz at Gemma Garcia)