Pardon ni Erap ‘lulutuin’ na!
Sinabi kahapon ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na pormal niyang iaalok ngayon kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ang absolute pardon para rito.
Sinabi ni Puno na gagawin niya ang alok sa pakikipagkita niya kay Estrada ngayong araw na ito sa kinakukulungan nitong resthouse sa Tanay, Rizal.
Nabatid na nagkausap muna sina Puno at ang anak ng dating pangulo na si Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng naturang pardon.
Nabatid na kasama ni Puno sa pagtungo sa resthouse si Manila Mayor Alfredo Lim na kaalyado ni Estrada.
Isinagawa ang negosasyon sa pardon makaraang sentensyahan ng Sandiganbayan si Estrada ng reclusion perpetua dahil sa kasong plunder.
Gayunman, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera na malabo ang kundisyon ni Estrada na mabalewala ang sentensya rito sakaling mabigyan ito ng pardon.
Sinabi ni Devanadera na malinaw ang nakasaad sa Revised Penal Code na, sa pagbibigay ng pardon sa isang sentensyado, tanging ang parusa lamang ang nawawala at mananatili pa rin ang hatol dito.
Bukod dito, ayon pa sa kalihim, hindi pa rin naman pinal ang hatol sa dating pangulo at maari pa itong iapela.
Pero ilang senador na tulad nina Francis Pangilinan at Richard Gordon ang tutol sa pagbibigay ng pardon kay Estrada dahil masyado pang maaga para gawin ito. (Malou Escudero at Gemma Garcia)
- Latest
- Trending