JDV III vs Abalos bukas
Kung tutupad sa kanyang pangako si Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos, inaasahang magkakaharap sila bukas ng negosyanteng si Jose “Joey” de Venecia III sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na $330 milyong national broadband network project na kinontrata ng pamahalaan sa ZTE Corp. ng China.
Kasama pa sa mga inimbitahan sa Senado sina First Gentleman Juan Miguel Arroyo, Commission on Higher Education Chairman Romulo Neri, at Jimmy Paz, chief of staff ni Abalos.
Si Abalos ang sinasabing nagsulong para makuha ng ZTE Corp. ang kontrata para sa pagtatayo ng NBN at ito rin ang inakusahan ni de Venecia na nagtangkang manuhol sa kanya ng $10 milyon kapalit ang pag-urong ng Amsterdam Holdings Inc. ng interes para makuha ang proyekto.
Si de Venecia na anak ng Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso ang isa rin sa may-ari rin ng AHI. Ibinunyag niya na humihingi umano si Abalos ng $130 milyong kickback sa proyekto. Inalok din ni Abalos ng $10 milyon si de Venecia para huwag sumali sa bidding sa proyekto. Pinabulaanan ni Abalos ang akusasyon.
Samantala, hindi pa sigurado kung makakasipot ang Unang Ginoo sa pagpapatuloy ng pagdinig dahil hindi pa ito bumabalik mula sa Hong Kong. Si Neri naman ay napabalitang bibitbitin ni Pangulong Gloria Arroyo sa kanyang pagtungo sa Estados Unidos.
Sa nakaraang hearing ng Senado, sinabi ng batang de Venecia na sumipot siya sa hearing upang makaharap si Abalos pero hindi ito dumating.
Nauna rito, nangako si Abalos na sisipot sa pagdinig matapos hindi makasipot sa nakaraang hearing.
Sinabihan umano ng Unang Ginoo ang batang de Venecia ng “back-off” upang paatrasin ang kompanya nito sa pagpupursige ng kanilang kontrata sa NBN.
Pero napaulat kahapon na nagpaabot ng mensahe ang Unang Ginoo sa Senado na hindi ito makakarating.
Kaugnay nito, naniniwala naman si Sen. Richard Gordon na maaaring maabsuwelto si First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa pagkakasangkot nito sa NBN deal dahil walang ebidensya laban dito.
Nauna rito, sinabi ni Senate President Manuel Villar na nagdadalawang-isip sila kung padadalhan ng subpoena ang Unang Ginoo dahil sa kalusugan nito at kagagaling lang sa sakit.
Sa kaugnay na ulat, posibleng hindi na matuloy ang NBN project gayundin ang Cyber Education Project, ayon sa isang Malacañang official.
Sinabi ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na nakapagdesisyon na ang Pangulo sa pagsuspinde sa proyekto dahil sa ingay sa pulitika rito.
Sinabi naman ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nais nang kanselahin ng Pangulo ang NBN deal bago ito magtungo sa APEC meeting sa Australia. Tahimik din anyang iniimbestigahan ng Malakanyang ang sinasabing suhulan dito.
- Latest
- Trending