“Sige magsinungaling ka pa.”
Ito ang ginawang reaksyon ni Isabela Rep. Edwin Uy sa patuloy na pag-iingay at pagsisinungaling ni dating military intelligence agent Vidal Doble.
Ayon kay Uy, hinuhukay na ni Doble ang sarili nitong libingan dahil sa patong-patong na asuntong haharapin nito matapos na umamin na siya ang nag-wiretapped sa naging pag-uusap nina dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano at Pangulong Arroyo.
Aniya, malinaw naman sa mga pahayag ni Doble na nilabag nito ang Anti-Wiretapping law, bukod pa sa pagsisinungaling at pagtanggap ng suhol.
Naniniwala rin ang abugadong kongresista na sa sandaling ihain sa korte ang mga kaso laban kay Doble, kahit na ang patron nito na si Senador Panfilo Lacson at ang umano’y milyong tinanggap nito para kumanta ay hindi sapat upang makaligtas ito sa asunto.
Aniya, aminado naman si Doble na ang grupo nila ang tumutok at nakinig sa usapan nina Garcillano at Ginang Arroyo at ang pagtanggap nito ng P2 milyon kay dating NBI deputy director Samuel Ong para sa kopya ng kontrobersiyal na ‘Hello Garci’ tape. (Butch Quejada)