Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong kriminal laban sa Wowowee host na si Willie Revillame kaugnay sa naganap na stampede sa ULTRA noong Pebrero 4, 2006 kung saan namatay ang 70 katao at nasugatan ang mahigit 600.
Sa resolution ng DoJ panel of prosecutors na pinamumunuan ni Senior State Prosecutor Leo Dacera, wala umanong mabigat na ebidensiya upang maisama si Revillame sa naturang kaso.
Napatunayan umanong re-tape na lamang ang mga ipinalalabas sa television na nagpapakita ng pag-iimbita ni Revillame sa taumbayan na magtungo sa Ultra kahit pa umaapaw na ito sa tao.
Ipinatutuloy naman ng DoJ ang kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide laban sa 14 iba pang respondents dito kasama na ang executive vice president ng ABS-CBN na si Charo Santos Concio.
Una ng sinabi ng prosecution na mayroong mabigat na ebidensiya na magpapatunay na naging pabaya ang mga organizers ng Wowowee.
Hindi umano tiniyak ng mga organizers nito ang seguridad ng Philsport Arena kahit pa nakita ng mga ito na punong-puno na ang nabanggit na lugar. (Grace dela Cruz)