Kahit na masama ang pakiramdam ay nagtuloy pa rin sa pagdalaw sa kanyang inang maysakit si dating Pangulong Joseph Estrada kahapon ng umaga sa San Juan.
Alas-11 ng umaga nang dumating si Erap sa San Juan Medical Center (SJMC) mula sa kanyang resthouse sa Tanay, Rizal kasama ang kanyang escort mula sa Police Security and Protection Office, Eastern Police District at San Juan City Police.
Dalawang linggo ng naka-confine sa ospital si Doña Mary Ejercito, 102, dahil sa mga sakit nitong abdominal aortic aneurysm, pneumonia at urinary tract infection bukod pa sa dinaranas na hypertension.
Matatandaang pinayagan ng Sandiganbayan ang dating Pangulo na makadalaw sa ina mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon noong Huwebes subalit ipinagpaliban ito dahil sa masakit ang tuhod nito at may trangkaso.
Kahapon ay itinuloy na rin ni Erap ang biyahe kahit masama pa ang pakiramdam dahil sa pag-aalala sa kalagayan ng ina.
Napaulat na tatlong oras bago ang biyahe ni Estrada ay nagreklamo ito ng pananakit ng katawan.
Sa panayam naman kay Sen. Jinggoy Estrada, sinabi nito na hindi pa maayos ang pakiramdam ng kanyang ama subalit dahil sa lumalalang kalagayan ni Doña Mary ay pinilit nito ang katawan para makapunta sa ospital.
Alas-5 na ng hapon nakabalik si Estrada sa kanyang resthouse. (Edwin Balasa)