Bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga sundalong nakikidigma laban sa terorismo, inutos kahapon ni Pangulong Arroyo na doblehin ang tinatanggap na allowance at combat pay ng mga sundalo na sumasabak sa giyera laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu at Basilan.
Sa ginanap na police-military command conference na pinangunahan ng Pangulo, binigyan nito ng direktiba si Defense Secertary Gilbert Teodoro na pag-aralang maitaas ang combat pay ng mga sundalo na kasama sa opensiba at bibigyan ng education plan ang kanilang mga anak.
Ayon kay Major Ramon Zagala II, Deputy PIO ng AFP, sa kasalukuyan ang hazard pay ng mga sundalo ay P120 at P240 naman ang combat pay sa mga war zone areas.
Nabatid na ang isang may ranggong Sarhento ay may base pay na P18,000; Technical Sgt. P20,000; Master Sgt. P21,000; 1st Lt. P22,000; 2nd Lt., P24,000; Captain P24,000; Major P30,000 Lt. Colonel P 33,000 at Colonel P 35,000.
Nangako rin ang kalihim na pangangalagaan ang mga sibilyan sa mga naturang lalawigan upang hindi madamay sa bakbakan.
Magpapadala ang AFP ng karagdagang Engineering Brigades para tumulong sa rehabilitasyon sa mga apektadong lugar bukod pa sa pagpapadala ng mga military doctor.
Magugunita na 29 sundalo ng Philippine Marines ang napatay sa dalawang magkakahiwalay na madugong sagupaan sa Basilan noong Hulyo at Agosto 10.
Sa lalawigan ng Sulu ay 27 tauhan naman ng Philippine Army ang nasawi sa loob ng 3 araw na bakbakan simula Agosto 7-9.