Sa gitna na sunud-sunod na pagkalagas ng malaking bilang ng mga sundalo sa giyera sa Sulu at Basilan, ipinatupad kahapon ng Department of National Defense ang pagbalasa sa hanay ng pitong heneral ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, si Lt. Gen. Alexander Yano, commander ng AFP-Southern Luzon Command ang papalit kay Army Chief Lt. Gen. Romeo Tolentino na magreretiro sa Biyernes, Agosto 24.
Hahalili naman sa puwestong babakantihin ni Yano si Lt. Gen. Rodolfo Obaniana, commander ng Eastern Mindanao Command na sumasakop sa Central, Southern at Northern Mindanao.
Si Lt. Gen. Cardozo Luna, commander ng Central Command (Centcom) ang papalit sa puwesto ni Obaniana.
Itinalaga naman bilang Centcom commander si Major Gen. Victor Ibrado, pinuno ng Special Operations Command na may hurisdiksiyon sa elite forces tulad ng Phil. Army, Scout Rangers, Special Forces at counter-terrorist Light Reaction Battalion.
Samantala si Major Gen. Nelson Allaga, commandant ng Marines ang kapalit ni AFP Western Mindanao Lt. Gen. Eugenio Cedo na magreretiro sa darating na Setyembre 9.
Si AFP-National Capital Region Command Major Gen. Ben Dolorfino ang bagong Marine commandant. (Joy Cantos)