Nakaligtas sa parusang bitay ang 17 Pinoy na kabi lang sa 49 nasa death row sa iba’t ibang bansa matapos mapawalang-sala at ibaba ang sentensiya sa kinakaharap na mga kaso.
Sa report ng Department of Foreign Affairs (DFA), lima sa nakakulong na OFWs ay pinalaya na kabilang ang 35-anyos na si Sarah Dematera nasa Riyadh, Saudi Arabia matapos tanggapin ng pamilya ng biktimang napatay nito ang P25-M “blood money.”
Si Dematera ay domestic helper sa Saudi Arabia at nasentensyahan ng bitay sa pagpatay sa babae nitong employer may 15 taon na ang nakalilipas
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr, pinakahuling nasagip sa bitay si Jun Jailani sa Kuala Lumpur, Malaysia na pinalaya noong nakalipas na buwan makaraan ang 18 taong pagkakakulong at pagtanggap ng 10 hagupit ng latigo.
Ang mga pinalaya namang OFWs na nakabalik na sa Pilipinas ay sina Damaso Atienza mula sa Tehran, Iran noong Pebrero 17, 2007; Melvin Obejera mula sa Jeddah, Saudi Arabia na nakabalik sa Pilipinas noong Agosto 1, 2006 at Reynaldo San Pedro mula naman sa Jeddah na nakabalik sa bansa nitong Pebrero 6, 2007.
Nakalusot din sa bitay sina Guen Aguilar na nabilanggo ng 10 taon sa Singapore, Victoriano Alfonso na ibinaba ang sentensya sa 8 taon at 1,000 hagupit sa Jeddah, Saudi Arabia; Ronilo Arandia sa Jeddah na naibaba ang sentensya sa 5 taong pagkakabilanggo; Andy Baginda sa Kuala Lumpur, Malaysia na ang hatol na bitay ay naging habambuhay na pagkakabilanggo.
Gayundin sina Wilson Basilo sa Jeddah na mabibilanggo na lamang ng 8 taon at 10 hagupit ng latigo; Ma Fe Cruzado sa Kuwait na naibaba ang hatol sa 20 mula sa 30 taong pagkakakulong; Efren Dimaum sa Jeddah, Saudi Arabia na ang death penalty ay naging 8 taong pagkakabilanggo na lamang at 1,000 hagupit ng latigo; Aristocles Escalante sa Jeddah na isisilbi na lamang ang 5 taong pagkakakulong doon; Fermie Salarza sa Cairo na ang death sentence ay ibinaba sa 2 taong pagkakabilanggo at magbabayad na lamang ng $14,140.27 blood money; Joel Sinamban sa Jeddah na mabibilanggo na lamang ng 8 taon at 1,000 hagupit at Zenaida Taulbee sa Washington, DC na ang death penalty ay naibaba sa 25 taong pagkakulong at Rolando Villamin sa Doha, Qatar na 10 taon na lamang makukulong. (Joy Cantos )