Patay ang isang piloto ng Philippine Air Force (PAF) habang nasugatan ang co-pilot nito matapos bumagsak ang sinasakyang MG520 attack helicopter sa karagatan ng Zamboanga City habang pabalik na sa base nito mula sa reinforcement sa tropa ng Marines na nakikipagbakbakan sa Basilan kahapon ng hapon.
Kinilala ang piloto na si Lt. Udal Undo. Isinugod naman sa pagamutan ang co-pilot na si Lt. Hermilino Calibiran.
Sa phone interview, nilinaw ni PAF Chief Lt. Gen. Horacio Tolentino na hindi pinabagsak ng mga bandidong Abu Sayyaf ang nasabing helicopter gaya ng unang napaulat. Ayon kay Tolentino, nagkaroon ng problema sa ‘vibration sa auto rotation’ ang makina ng helicopter habang pabalik na ito sa Zamboanga kung saan hindi na ito umabot sa lupa at tuluy-tuloy sa dagat.
Katatapos lamang magpaulan ng bala ng rocket at machine gun ang nasabing MG520 attack helicopter laban sa mga bandido bilang suporta sa ground troops ng Philippine Marines at pabalik na sa Andrew Edwin Air Base sa Zamboanga City ng maganap ang insidente. (Joy Cantos)