Isa nang super typhoon ang bagyong Egay makaraang maitala ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) ang hangin nito na may lakas na 215 kilometro bawat oras at may pabugso hanggang 250 kilometro bawat oras at kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 km kada oras.
Ayon sa Pagasa, bagaman hindi direktang tatama sa Metro Manila ang bagyo, malakas na ulan ang bubuhos mula ngayong araw hanggang Sabado dahil hihilahin ni Egay ang habagat. Sa tubig umano tatama ang bagyo at hindi sa lupa kaya inaasahang mag-iipon ito ng lakas.
Nakataas na ang signal number 2 sa buong Batanes group of islands habang signal no. 1 sa Cagayan, Babuyan Islands, Isabela at Catanduanes.
Pinayuhan ng Pagasa ang publiko na palagiang magmonitor sa update tungkol sa bagyo. Partikular ang MM, Ilocos, Luzon, Western Visayas at Bicol Region.
Inaasahang mananatili sa bansa si Egay hanggang Sabado o Linggo. (Angie dela Cruz)