Transport groups, umalma sa pekeng CTPL policy
Umalma na ang mga grupo ng transportasyon sa pangunguna ng Department of Tourism United Accredited Taxi Drivers Association (DTUATDA) at militanteng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) hinggil sa pagkalat ng mga pekeng Compulsory Third Party Liability (CTPL) policies sa bansa.
Mismong ang kanilang miyembro ay hindi nakapag rehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office dahil hindi tinanggap sa LTO-Certificate of Cover Verification Facility (COCVF) ang nakuhang pekeng CTPL policy.
Sinabi ni Ranier Zamora, pangulo ng DTUATDA at Steve Ranjo, national president ng Piston, maraming bilang ngayon ng mga PUV operators ang nabibiktima ng sindikato at ng mga unscrupulous insurance agents na nagbebenta ng mga CTPL policies mula sa mga insurance na hindi accredited ng Insurance Commission (IC).
Iginiit ni Zamora sa LTO at sa IC na madaliin na ang pagresolba sa usaping ito habang hihilingin nila sa Malakanyang na mabusisi ang may ilang dekada ng problema sa CTPL anomaly.
Nabatid kay LTO Chief Reynaldo Berroya na umaabot sa P300 milyon ang nawawala sa kaban ng pamahalaan dahil sa paglipana ng mga pekeng insurance policy kada taon. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending