Inabsuwelto kahapon ng Korte Suprema ang isang hukom sa Davao City na nagnakaw ng halik sa kanyang court stenographer.
Ayon sa desisyon, hindi sapat ang ebidensiya upang maparusahan si Davao City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Emmanuel Carpio sa kasong sexual harassment na isinampa ni Erling Alcuizar, court stenographer, sa kabila ng naunang finding ng Court of Appeals na guilty si Carpio at inirekomendang masuspinde ng anim na buwan.
Sa reklamo ni Alcuizar, nasa loob siya ng comfort room ng chamber ng hukom ng bigla na lamang itong pumasok at nakawan siya ng halik at muntik pa umanong maulit ang insidente subalit nagbanta siyang sisigaw kung muli siyang hahalikan ni Carpio. Mayroon din umanong mga pagkakataon na hinahawakan ng Hukom ang kanyang hita at pagkatapos ay kikindatan siya.
Pinabulaanan naman ni Carpio ang alegasyon at sinabi nitong hindi niya magagawa ang ibinibintang dahil may iba pang empleyado sa loob ng kanyang tanggapan. Subalit inamin nito na kinindatan niya si Alcuizar pero kanyang nilinaw na ginagawa naman niya ito sa iba pa niyang mga tauhan at mga kakilala bilang pagbati sa mga ito kahit na babae o la laki man. (Gemma Garcia)