Clemency sigaw ng killers ni Ninoy: Matatanda na kami!
Hiniling kahapon ng 14 akusado sa Aquino-Galman double murder case kay Pangulong Arroyo na pagkalooban din sila ng executive clemency katulad ng ibinigay nito kay dating Zamboanga del Norte Cong. Romeo Jalosjos dahil matatanda na rin sila.
Sa pamamagitan ni Atty. Persida Rueda-Acosta, chief ng Public Attorney’s Office (PAO) na tumatayo ring abogado ng mga akusado, hiniling ng grupo sa pangunguna ng kanilang kinatawan na si Pablo Martinez, na kwalipikado na sila sa commutation o pardon dahil mahigit sa 70-anyos na sila na isa sa mga pribilehiyo na ibinibigay sa mga bilanggo.
Ayon kay Acosta, tama lamang na pagkalooban ng executive clemency ang 14 na nasentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo at halos 24 taon na ring nakakulong.
Inihalimbawa ng grupo ang ginawang pagbibigay ng clemency ng Pangulo kay dating Rep. Jalosjos na nasentensiyahan ng humigit kumulang sa 100 taong pagkakakulong dahil sa kasong panghahalay subalit pagkakalooban na makalabas ng bilangguan.
Sa darating na Agosto 21, 2007 ay ika-24 taon nang pagkakapaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at ng sundalong si Rolando Galman. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending