Matapos dumanas ng tagtuyot o dryspell, baha naman ang nananalasa ngayon sa bansa bunsod ng walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong “Chedeng” at “Dodong” nitong nakalipas na 48 oras.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa), bagaman nakaalis na ng bansa si Chedeng ay ramdam pa rin ang epekto nito dahil na rin sa pagpasok ni Dodong na taglay ang pinakamalakas na hanging 65 kilometro bawat oras at inaasahang lalong lalakas sa susunod na 6-12 oras.
Dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan at baha ay sinuspinde kahapon ng Department of Education (DepEd) ang klase sa lahat ng antas sa elementarya at sekondarya sa buong Metro Manila.
Pinauwi rin ng maaga ang mga empleyado, gayundin kinansela ang mga biyahe ng eroplano sa international at domestic flights.
Sa latest report ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), dumanas naman ng landslide, flashflood at nagkaputul-putol ang mga kalsada sa ilang probinsiya at maraming puno ang nagtumbahan at ilang ilog rin ang umapaw.
Daang pamilya rin ang naapektuhan makaraang tangayin ang kanilang mga bubungan at haligi ng bahay, bukod sa halos hanggang bewang na tubig baha na pumasok sa kani-kanilang tahanan at maraming mga kasangkapan ng mga ito ang inanod at nasira.
Gayunman, sa kabila ng nararanasang mga pag-ulan, sinabi ni Jeric Sevilla, corporate communications manager ng Manila Water Company, kulang pa rin ito upang maabot ang 180-meter level tubig sa Angat Dam na tumaas lamang ng may 171.20 meter.
“Angat’s 180-meter level is not normal, it’s still critical. The true normal level is about 200 or 200 plus,” ayon kay Sevilla.
Ang Angat ang nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan. Kahit na maulan at unti-unting tumataas ang tubig sa dam itutuloy pa rin ng National Water Regulatory Board (NWRB) ang pagbabawas ng suplay ng tubig sa Metro Manila mula Agosto 16 hanggat wala pang katiyakan na tataas pa ang tubig sa dam sa mga darating na araw.
Pinayo nito sa publiko na bagamat may ulan, kailangan pa ring magtipid ng bawat isa sa suplay ng tubig upang may mapagkunan sa mga darating na araw.
Sa ngayon ay nakataas ang signal no. 1 sa Batanes at Babuyan Islands.