Malaki ang posibilidad na mga rebeldeng New People’s Army umano ang utak sa pagpatay sa isang empleyado ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa Irosin, Sorsogon noong Sabado ng gabi.
Ito ang teoryang tinitingnan ng Police Regional Office 5 sa pagkakapaslang sa biktimang si Orlando Guardacasa, 43. Si Guardacasa ay pinagbabaril ng dalawang armadong kalalakihan na lulan ng motorsiklo sa Brgy. Gulang–Gulang sa nasabing bayan. Inulila ng biktima ang apat niyang anak na nagkakaedad 18, 16, 13 at 10 anyos.
Nabatid na ang biktima ay patungo sa isang birthday party nang umatake ang mga rebeldeng komunista. Ang biktima ay dead on arrival sa district hospital ng lalawigan.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na bago pinaslang ang biktima ay ipinakita pa nito sa kaniyang mga kasamahan ang isang liham ng pananakot ng NPA sa mga opisyal at empleyado ng PHIVOLCS sa Bicol Region na papatayin umano kapag pumalpak ang prediksyon sa kalamidad.
Sa kabila nito, si Guardacasa ay minsan nang nakulong sa Irosin Municipal Police Office sa kasong concubinage na isinampa ng misis nitong si Emily pero ang nasabing gusot ay naayos na matapos magkasundo ang mag-asawa.
Nabatid pa sa mga opisyal ng pulisya na dahil sa pagragasa ng bultu-bultong putik mula sa bunganga ng Mayon Volcano noong nakalipas na taon ay isinisi ng mga rebelde ang pagkasawi ng maraming katao dahilan sa kapalpakan umano sa prediksyon sa pag-aalburuto ng bulkan.
Nabatid na ang dalawang suspek na nakasakay din sa isang Honda Wave na motorsiklo na walang plate no. ay biglang sinabayan ang motorsiklo ng biktima bago ito pinagbabaril.
Kaagad naman na isinugod ang biktima sa Irosin District Hospital subalit hindi na ito umabot pa ng buhay sa naturang pagamutan.