Barangay at SK poll tuloy pa rin – DILG
Positibo pa rin ang Department of Interior and Local Government na matutuloy na rin ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre matapos magparamdam ang Kongreso sa planong ikansela ito ngayong taon dahil sa isyu umano sa pananalapi.
Sinabi ni DILG Assistant Secretary Brian Yamsuan na “all-systems-go” pa rin sila sa inaasahang eleksyon na mapipigil lamang kung magpapasa ng batas ang Kongreso para sa kanselasyon nito.
Ito’y matapos na makipag-ugnayan kamakailan si House Speaker Joe De Venecia kay Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos kung saan inihayag nito na mayorya umano ng mga kongresista ang nagnanais na ikansela ang naturang eleksyon dahil sa masamang epekto umano nito sa kalagayan sa pananalapi ng bansa.
Partikular na nagpasa na ng isang panukala si Cebu Rep. Eduardo Gullas na nagsabi na maaaring umakyat ang “interest rates” ng bansa at hindi makarekober sa koleksyon sa buwis sa gaganaping eleksyon dahil sa sariwa pa ang mga naganap sa nakaraang eleksyon nitong lumipas na Mayo.
Sinasabing posibleng pumabor umano si Abalos sa suhestiyon ng Kongreso at magtalaga na lamang ng mga bagong chairman at iba pang opisyales ng mga barangay at kabataan para ngayong taon.
Sa kabila nito, iginiit ni Yamsuan na tuluy-tuloy pa rin sila sa kanilang ginagawang paghahanda kasama na ang mga opisyal ng mga pamahalaang lokal sa buong bansa para sa naturang halalan.
Iginiit nito na buhat noong taong 2002 hanggang kasalukuyan, umaabot na sa 2,628 na mga barangay chairman ang namamatay at nag-appoint na lamang ang pamahalaan ng mga kapalit ng mga ito. Umaabot rin sa 12,982 barangay officials at 10,354 SK officials ang ini-appoint na lamang sa kanilang puwesto.
Nangangailangan na umano ng eleksyon upang mabatid kung sino ang nais ng taumbayan na maluklok sa mga puwesto. Bukod pa dito ang sentimyento ng publiko na mayorya ng mga opisyales ng barangay ay lubhang umaabuso na sa kapangyarihan habang pawang mga may asawa’t anak na ang mga opisyales ng SK at hindi na maituturing na kabataan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending