Pagtutol ng 2 obispo sa mag-tiyong Arroyo hindi sineryoso ng mga kongresista

Ipinagkibit-balikat la­mang ng mga kongre­sistang kasapi ng mayorya ang ginawang atake nina Dagupan-Lingayen Archbishop Oscar Cruz at Caloocan Bishop Deo­gracias Iniquez sa pag­hirang kina Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Negros Occidental Rep. Iggy Arroyo bilang taga-pangulo ng mga komite sa Kamara de Represen­tantes.

Ayon kina APEC party-list Reps. Ernesto Pablo at Edgar Valdez, bagama’t kinikilala nila ang papel ng Kaparian sa pagiging pastol ng mga kapanalig, dapat naman kilalanin din ng mga Obispo ang po­ sisyon ng mayorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon pa kay Pablo, desisyon ng mayorya ang namayani sa pagkaka­luklok ng mga kamag-anak ni Pangulong Arroyo bilang chairman ng committee on energy at committee on environment and natural resources.

Naniniwala rin si Pablo na walang masama kung pamunuan nina Mikey at Iggy ang mga komite sa Kongreso at tiwala ito na magagampanan ng mag­tiyuhin ang kanilang trabaho.

Nangako naman si Valdes na sila ang ma­ngungunang magsasalita sa plenaryo kung sakaling hindi pumasa sa kanilang panlasa ang pamumuno sa komite ng magtiyuhing kongresista. 

Hiniling din ng mam­babatas sa mga kritikal na kasapi ng Simbahang Katoliko na iwanan na pamumulitika at asika­suhin na lamang ang pagpapastol sa kanilang mga nasasakupan. (Butch Quejada)

Show comments