Tinaya ng pamunuan ng Water Resources Development Division ng Local Water Utility Administration (LWUA) na kaka pusin pa rin ng suplay ng tubig ang Metro Manila kahit pa may pag-uulan sa naturang lugar.
Ayon kay Engr. Ver Bombita, hepe ng WRDD ng LWUA, ito ay dahil sa lumalaki rin ang demand sa Metro Manila o pangangailangan sa tubig bunsod sa patuloy na paglaki ng populasyon ng kalakhang Maynila.
Sa katunayan anya, tumataas ang bilang ng mga taong nangangailangan ng suplay ng tubig subalit wala namang iba pang source na mapapagkunan ng dagdag na suplay ng tubig
Kaugnay nito, nanawagan si Bombita sa pamahalaan na bigyang pansin nito ang pag-recycle ng tubig para makatipid.
Gayundin, dapat ding pagtuunan ng pamahalaan ang kuwalipikasyon sa tubig na gagamitin sa isang bahay tulad ng tubig na inumin, tubig para panlinis ng bahay, gamit sa CR, panlaba at panligo.
Sa ganitong paraan anya, higit na makakatipid ang pamahalaan sa suplay ng tubig kung sa tamang paraan ito magagamit.
Samantala, pinawi naman ng Lwua ang sinasabing kakapusan ng tubig sa Luzon.
Ayon kay Bombita, ground water o tubig sa balon ang pangunahing pinagkukunan ng tubig na pangsuplay sa mga residente sa Luzon ng mga local water district kayat walang dahilan para mangamba ang mga ito.
Ang surfare water lamang naman anya tulad ng dam ang direktang apektado ng dry spell at hindi ang ground water na pinagkukunan ng suplay ng tubig sa labas ng Metro Manila. (Angie dela Cruz)