Iginiit ni Land Transportation Office (LTO) Chief Reynaldo Berroya kay DOTC Secretary Leandro Mendoza ang pagpapababa ng penalty o parusa sa mga license holder na nandaya ng kanilang edad nang mag-aplay para rito.
Ayon kay Berroya, pinag-aaralan na ng kanyang tanggapan at ng DOTC kung maaaring patawan na lamang ng kaukulang halaga ng penalty ang mga napag-alamang nandaya ng edad sa halip na suspension ng isang taon sa kanilang lisensiya.
Sa ilalim ng Traffic Code, ang mga tsuper na nadiskubreng nandaya sa kanilang edad at nagnanais nang iwasto ang anumang pagkakamali sa kanilang lisensiya ay kailangang isurender muna ang lisensiya sa LTO main office at hindi ito pahihintulutang makapag-aplay muli ng lisensiya sa loob ng isang taon.
Ayon kay Berroya, ang hakbang na ito ay bilang tugon na rin sa panawagan ng mga apektadong driver na anila ay nagawa lamang ang pagkakamali dahil sa kagustuhang kumita para sa kanilang pamil ya. (Angie dela Cruz)