‘Pagmamahal sa ama, di pera ang habol namin’
“Pagmamahal sa ama at hindi pagtatangka sa kayamanan nito gaya ng sulsol ng mga nasa paligid ni Mark Jimenez (a.k.a. Mario Batacan Crespo) ang dahilan ng paghahain ng isang petisyon sa isang korte upang magtalaga ng isang guardian sa dating kongresista.”
Ito ang mariing nilinaw ng mga anak ni Jimenez hinggil sa patutsada ng kampo nito sa pangunguna ng abugado nitong si Frank Chavez na pera lang ang habol ng mga ito kaya inihain ang nasabing petis yon sa Taguig City Court.
Magugunitang inihayag ni Chavez na nais lamang ng mga anak ni Jimenez ang kayamanan nito kung kaya’t naghain ito ng petisyon sa korte na agad na bigyan ng guardian ang dating kongresista.
Sa kanilang 13-pahinang petisyon na inihain nina Virgilio Crespo at Ma. Carolina Fah, nais nitong italaga ng korte si Ma. Aleli Pansacola bilang legal guardian ng kanilang ama.
Si Pensacola ang unang asawa ni Jimenez kung saan may pito itong anak. Si Carol Castaneda naman ang live-in partner ni Jimenez na naghain ng isang petisyon para sa isang temporary protection laban dito.
Inihalintulad naman ni Crespo si Pensacola na siyang “pinakabalanse” sa lahat at makakapag-alaga kay Jimenez.
Ayon kay Crespo, ang kanilang inihain na petisyon para sa guardianship ay may kinalaman lamang sa personalidad at pagkatao ni Jimenez at hindi kasama ang anumang may kinalaman sa estate at properties ng dating kongresista.
Humiling rin ng pang-unawa ang mga anak ni Jimenez na anila ay isang matinding pagsubok ang kanilang dinadaanan ngayon.
Humingi na rin ng dispensa ang mga anak ni Jimenez sa mga maaring nasagasaan ng kanilang ama. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending