Pinapayagan na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pagsasagawa ng misa sa mga shopping malls subalit kailangan na maayos at organisado upang maramdaman ang pagiging sagrado ng misa.
Ayon kay Archbishop Gaudencio Rosales, nagpasya na silang magsagawa ng misa sa mga shopping malls dahil mas maraming tao ang nagtitipon dito. Ito na rin ang kanilang pagkakataon na makadalo ng misa tuwing Linggo.
Aniya, kailangan ding isagawa ito sa maayos na lugar o chapel ng shopping malls at hindi basta-basta sa mga lugar na makaka-agaw ng atensiyon ng mamimili.
Dapat ding humingi ng permit ang mga mall mula sa parish priest upang maiwasan ang anumang mga usapin at gulo sa lugar.
Nilinaw din ni Arch. Rosales na ang holy mass sa telebisyon ay inilalaan lamang sa mga may sakit at may kapansanan kaya hinihikayat pa rin ng Simbahang Katoliko ang publiko na magsimba at dumalo sa misa sa loob mismo ng simbahan.
Nilinaw din ni Rosales na hindi maaaring i-record ang misa sa telebisyon dahil ang bawat araw ay may kani-kaniyang liturgy. (Doris Franche)