Babae, mas successful sa trabaho kesa lalaki
Mas “successful” umano ang mga kababaihan kumpara sa mga kalalakihan sa larangan ng pagtatrabaho at mas dumarami ang bilang ng mga kababaihan na humahawak ng executive positions sa trabaho.
Ayon kay Labor Secretary Arturo Brion, lumobo rin ang bilang ng mga babaeng nasa mataas na posisyon
Sa datos ng DOLE, lumalabas na mayroong 1.86 milyong Pinay na nasa mga matataas na posisyon sa kumpanya, kumpara sa 1.4 milyong kalalakihan.
Sinabi pa rin ni Brion na kagulat-gulat ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kababaihang nasa top-rank ng mga kumpanya.
Aniya, 97 porsiyento ng mga negosyo sa bansa ay pinamumunuan ng mga kababaihan kung saan ito umano ang pinakamataas na porsiyento sa buong mundo.
Sumusunod ang bansang Mainland China na mayroong 91%; Malaysia, 85%; Brazil, 83%; Hong Kong, 83%; Thailand, 81%; Taiwan, 80%; South Africa, 77%; Botswana, 74% at Russia, 73%.
Ang bansang Japan ang may pinakamababang porsiyento na 25%.
Lumalabas din sa nabanggit na survey na mas marami ang bilang ng mga kababaihan na nakapagtapos ng kolehiyo kumpara sa mga lalaki.
Bunga nito’y, mas marami umano ang mga kababaihang makakatanggap ng mas malaking suweldo kumpara sa mga kalalakihang nasa mas mababang posisyon sa kumpanya. (Doris Franche/Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending