Lantarang dumepensa si dating Pangulong Joseph Estrada kay Senate President Manny Villar sa harap ng pag-atake ng ilang senador mula sa hanay ng oposisyon kaugnay sa pagtanggap nito ng suporta mula sa mga kaalyado ng administrasyon.
Tinuligsa ng dating pangulo ang mga senador na may “presidential ambition” na nasa likod ng pagwasak sa kredibilidad ni Villar.
Ayon kay Estrada, kinikilalang lider ng oposisyon, nasa panig pa rin ng oposisyon si Villar at nauunawaan nito ang mga ginawang hakbang ng senador para protektahan ang puwesto nito bilang pinuno ng Senado.
Diin ni Estrada, siya ang nagpakahirap sa pagbuo ng oposisyon at malaki rin ang tulong na ginawa niya para maipanalo ang maraming senatorial candidates ng Genuine Opposition nitong nakaraang halalan.
Kung mayroon man umanong mga taga-oposisyon na lilipat sa administrasyon, naniniwala siya na panghuli na sina Sen. Jinggoy Estrada at Villar.
Naniniwala si Estrada na ang mga atake kay Villar ay kagagawan ng mga senador na mayroon din interes na maging presidente sa 2010 at nakikita nila na magiging hadlang sa kanila si Villar.
Maliban kay Lacson, kabilang sa mga presidentiables sina Mar Roxas at Loren legarda, na ayon kay Sen. Serge Osmena ay nagsabwatan para pagtulungan si Villar na huwag makuha ang Senate presidency.
Ibinunyag din ni Osmena na ang grupo ni Roxas ang unang nakipag-usap sa mga taga-administrasyon para iboto si Sen. Nene Pimentel.
Tinawag naman ni Sen. Chiz Escudero na “panggulo” sa oposisyon si Lacson matapos na ipaalala na noong 2004 presidential election ay tumakbo itong presi dente kahit ang napili ng oposisyon ay si Fernando Poe, Jr.