2 sa pinugutang Marines tinorture bago pinatay

Tinorture muna bago pinaslang ang dalawa sa 10 kagawad ng Philippine Marines na pinugutan ng mga hinihinalang miyem­bro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Al Barka, Basilan noong Hulyo 10.

Ito ang lumalabas nga­yon sa “post mortem examination” ni Dr. Nilo Barandino ng Basilan General Hospital kung saan nakitaan ang mga ito ng sugat at pasa na pa­latandaan ng torture.

Pinutol din umano ang ari ng dalawang Marines na pinugutan sa gitna ng bak­bakan sa naturang bayan habang nasa rescue operations ang tropa ng pamaha­laan para sa Italyanong pari na si Fr. Giancarlo Bossi.

Dismayado naman si Barandino sa mga gru­pong nanghihikayat kay Pangu­long Arroyo na ipatigil ang opensiba la­ban sa mga responsable sa pamumu­got.

Iginiit nito na simula noong 1992, umaabot na sa 70 katao ang pinu­gutan sa Basilan kaya’t dapat la­mang na paru­sahan na ang mga taong nasa likod nito.

Nagtapos kahapon ang tatlong araw na ibi­nigay ni Pangulong Arroyo sa investigating team upang tapusin ang ka­nilang pagsisiyasat at magbigay ng kanilang rekomendasyon para sa problema sa Basilan.

Inihayag naman ni AFP Chief of Staff Gen. Hermo­ genes Esperon Jr., na iha­hain na nila ngayon (Mar­tes) ang warrant of arrest laban sa mga miyembro ng MILF na sangkot sa pamu­mugot sa mga Marines. (Danilo Garcia)

Show comments