Umaabot sa 37 Pinoy ang namatay sa Qatar kabilang ang 26 na binawian ng buhay sa cardiac arrest sa loob lamang ng nakalipas na anim na buwan ng taong ito, ayon sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa isinumiteng report ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar sa buwan lamang ng Mayo ay limang Pinoy ang nasawi sa cardiac arrest habang ang lima pa ay nito namang Hunyo sa naturan ring karamdaman.
Ang sobrang init ng panahon ang sanhi umano ng tumataas na bilang ng mga Pinoy na namamatay sa cardiac arrest sa Qatar.
Samantala, umaabot naman sa 75 Pinoy, 65 rito ay babae, 5 lalaki at 5 ring sanggol na isinilang sa kabila ng hindi pa kasal ang kanilang mga magulang ang nakatakda nang ideport.
Ayon pa sa Embahada may dalawang lalaki rin , 23 kababaihan at tatlong sanggol ang nasa Central Jail sa Doha.
Bukod dito ay may 20 namang Pinoy ang nakapiit sa iba pang mga lugar doon kabilang na sa Capital Police, Rayyan, Um Salal Industrial area at Al SDD Khalifa.
Kasalukuyan nang inaasistihan ng Embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa ang mga namimighating mga OFW. (Joy Cantos)