Hindi sumipot ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isinagawang pagdinig kahapon sa Court of Appeals (CA) tungkol sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.
Nagpadala na lang kani-kanilang abogado sina AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon, Maj. Gen. Delfin Bangit ng ISAFP at iba pang opisyal ng AFP na respondent sa kaso na kinatawan naman ni Assistant Solicitor General Amparo Tang ng Office of the Solicitor General (OSG).
Iginiit ni Tang na wala sa kustodiya ng military si Burgos kaya hindi nila ito maihaharap sa korte. Gayunpaman hindi naman umano nagpapabaya ang AFP kaya dapat na hintayin na lamang ni Gng. Edith Burgos ang kahihinatnan ng imbestigasyon.
Sa kabila nito, kinuwestiyon pa rin ni CA Associate Justice Remedios Salazar-Fernando kung bakit hindi nagbibigay ng update ang AFP sa pamilya Burgos tungkol sa isinasagawang imbestigasyon.
Nilinaw naman ni Tang na mayroong mga impormasyon tungkol sa kaso na hindi pa maaring ilantad agad ng AFP.
Muling itinakda ang pagdinig sa Lunes, alas-10 ng umaga matapos na mabigong humarap sa witness stand kahapon si Mrs. Burgos. (Gemma Garcia)