Tagtuyot paghandaan na - PAGASA

Pinaghahanda na ng Philippine Athmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan maging ang publiko kaug­nay sa nararanasang dry spell o pagkatuyo ng ka­paligiran sa bansa.

Ayon sa PAGASA, ma­baba pa sa normal ang dami ng ulan na ibinabag­sak kaya’t nauwi ito nga­yon sa dry spell conditions at pagbaba ng antas ng level ng tubig sa mga dam.

Sa pinakahuling talaan ng PAGASA, kulang ng 13.62 metro ang antas ng tubig sa Angat dam mula sa normal na 186.29 metro. Sa Magat dam, kulang ng 12.60 metro ang tubig mula sa dapat ay 178.08 metro habang sa Pantabangan ay ku­lang ng 7.73 metro mula sa normal na 200 metro.

Dahil dito, apektado ang suplay ng kuryente sa maraming lugar sa bansa dahil hindi makapag-generate nang husto ng enerhiya ang mga hydropower plants sa bansa. Naantala na rin ang pag­tatanim sa mara­ming lugar partikular sa Luzon dahil walang ulan at hindi kayang paganahin ang mga irrigation system. Magiging madalas din umano ang insidente ng sunog dahil sa sobrang pagkatuyo ng mga hala­man.

Dahil dito, naglatag ng tatlong scenario ang PAGASA kapag human­tong sa drought condition o tagtuyot ang panahon sa bansa.

Una, posible umanong magkaroon ng pagba­bago o transition mula neutral patungong La Nina sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre

Kapag nangyari ito, inaasahang ang kondis­yon ng ulan ay maging malapit o sobra pa sa normal na dami sa maraming bahagi ng bansa.

Ikalawa, posibleng ma­uwi sa mas mahaba pang dry spell o pagka­tuyo ang kapaligiran hanggang tagtuyot ang kondisyon ng bansa hang­gang matapos ang kasalukuyang taon. Ito ay kapag nagbago ang lugar ng intertropical convergence zone (itcz) parti­kular kapag tumaas ito ng direksyon o pa-southward sa halip na sa may bahagi ng Luzon.

At ikatlong scenario, posibleng magtuloy-tuloy ang dry spell o tuyong kapaligiran hanggang 3rd quarter ng taon. (Angie dela Cruz)

Show comments