Sisiklab na ang giyera sa Basilan na posibleng lumaganap pa sa ibang bahagi ng Mindanao matapos na ibaba na kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr . ang “go signal” sa tropa ng militar sa Basilan upang simulan ang paglusob sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front na pumaslang sa 14 na sundalong Marines na kinabibilangan ng mga pinugutang biktima.
Ginawa ni Esperon ang utos makaraang matapos ang pitong araw na binigay ni Esperon sa MILF para isuko ang mga rebeldeng pumatay sa mga Marines sa Albarka (dating Tipu-tipo), Basilan noong Hulyo 10
Nagbanta naman ang MILF na gaganti sa pamamagitan ng pag-atake sa Sulu, Lanao del Sur, Lanao del Norte na maaring umabot pa sa Central Mindanao kapag sinindihan ng tropang militar ang mitsa ng giyera sa Basilan.
Binigyan na ng awtorisasyon ni Esperon si AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Eugenio Cedo at iba pang military commanders sa Basilan na umpisahan na ang punitive operations sa mga kampo ng MILF na pinagtataguan ng mga berdugo.
Ayon naman kay MILF Chief peace negotiator Mohagher Iqbal, handa silang lumaban ng giyera sa giyera sa militar kapag inumpisahan ng mga sundalo ang pag-atake laban sa kanilang mga kampo. Iginiit nito na wala silang isusukong MILF dahilan hindi ang kanilang mga miyembro ang sangkot sa pamumugot ng ulo sa 10 sa napatay na Marines.
Sa kasalukuyan, aabot sa 5,000 tropa ng Marines at Philippine Army ang nasa Basilan na inatasang maglunsad ng punitive operations laban sa mga berdugo. (Joy Cantos)