Kinasahan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang idineklarang “all-out offensive” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasabay ng pagba lewala sa deadline ng militar para isuko ang mga rebeldeng pumaslang at pumugot sa 10 sundalo ng Marines sa Basilan.
Ayon sa isang Heneral ng MILF sa website na Luwaran.com, sinabi nito na nakahanda sila at naghihintay sa pagsalakay ng mga sundalo ng pamahalaan upang ipagtanggol ang kanilang sarili.
“We will wait for the aggressors to come, as we fought them on July 10, 2007 when the Philippine Marines attacked us. Our fighters in Basilan will now invoke our right to self-defense,” ayon dito.
Hindi umano nakapaloob sa “peace negotiation” ang pagsuko ng kanilang mga tauhan na sangkot sa mga bakbakan habang lubhang makakaapekto rin ang opensiba sa “peace talks.”
Pinatutsadahan rin ng opisyal ang puwersa ng pamahalaan na hindi umano makapaghintay sa “rule of reason and law” para madetermina sa isinasagawang imbestigasyon kung sino talaga ang namugot sa mga sundalong Marines.
Samantala, iginiit naman ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon na magiging “selective” lamang ang mga lugar at kampo na kanilang sasalakayin. Wala umanong dapat ipag-alala ang mga residente ng Basilan na maapektuhan sa ilulunsad na opensiba dahil sa mga pinaghihinalaang lugar na pinagtataguan lamang ng mga suspek ang kanilang lulusubin at hindi malawakang giyera.
Kasalukuyang nagsasagawa na ng “combat positioning” ang mga sundalo sa Basilan at tinatapos na ang inspeksyon sa kanilang mga armas at bala para sa napipintong digmaan.
Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pangamba hindi lang mga residente ng Basilan ngunit mga karatig na lalawigan na posibleng lumawak ang kaguluhan at umabot ang giyera sa ma laking lugar ng Mindanao.