Marines aatake na!
Surrender or die!
Ito ang huling babala kahapon nina acting Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales at AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr. laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos magwakas ngayong araw ang deadline para isuko ang mga berdugo ng 14 Marines.
“We have earlier given deadlines to the MILF to turn over to us the perpetrators… should they fail to turn over the perpetrators then we will go ahead with our punitive actions against these perpetrators,” pahayag ni Esperon sa press briefing sa Camp Aguinaldo.
Handa na ang AFP na lusubin at bombahin ang kampo ng mga “pugot rebeles.” Handa na rin ang kanilang mga tauhan at maging ang mga armas pandigma kabilang ang mga mortar na gagamitin sa Basilan.
Alas-12 ng hatinggabi (July 22) kanina nagtapos ang deadline sa ipinalabas na 7 araw na ultimatum para isuko ng MILF ang kanilang mga miyembro na responsable sa pananambang sa mga Marines kung saan 10 sa 14 sundalo na kanilang pinatay ay pinugutan pa.
Nilinaw naman ni Gonzales na hindi all-out war ang kanilang ilulunsad dahil isinasaalang-alang din nila ang pagsusulong ng peace talks. Ang target lamang ng paglusob ay ang mga kampo ng mga namugot sa Marines.
Ani Esperon, ang all-out war ay huling hakbang ng AFP kapag nagmatigas pa rin ang MILF na isuko ang mga namugot at sakaling lumaganap ang giyera bunga ng isasagawang aksyon ng tropa ng militar.
Ayon pa sa opisyal, tukoy na ng militar ang pinagtataguan ng mga kidnapper ni Italian priest Fr. Giancarlo Bossi at nararapat silang kumilos para bigyan ng hustisya ang sinapit ng kanyang mga sundalo na ang tanging misyon noong tambangan ng mga MILF ay sagipin ang dinukot na pari na pinalaya na nitong Huwebes.
Apat na batalyong sundalo kabilang ang mga miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang nakadeploy na sa Basilan maliban pa sa 65 miyembro ng 93rd Marine Security Company ng Presidential Security Group na tutulong din sa isasagawang pag-atake.
May dalawang batalyon din o mahigit 1,000 sundalo maliban pa sa isang company (120) ng Scout Ranger ang inatasang tumugis sa mga kidnaper ni Bossi sa Zamboanga Sibugay.
- Latest
- Trending