Ipinag-utos na kahapon ang pagsailalim sa General Court Martial (GCM) laban sa isang sundalo na nakapatay ng kanyang kasamahan sa isang ‘accidental firing’ habang nagsasanay sa Camp Magsaysay, Nueva Ecija kamakailan.
Sinabi ni Army Chief Lt. Gen. Romeo Tolentino na binigyan niya ng direktiba ang military prosecutors mula sa Army Judge Advocate General’s Office (JAGO) na litisin si Corporal Edgar Caban sa pagla bag sa Articles of War (AW) o ang reckless imprudence resulting to homicide.
Ito’y matapos niyang aksidenteng mapatay si Staff Sergeant Raul Suacillo sa ginanap na ambush simulation exercise noong Hulyo 13. Hindi umano niya akalain na ang kaniyang armas ay may kargang buhay na bala sa halip na blangko. Ang dalawa ay kapwa nakatalaga sa elite Army Special Forces Regiment.
Lima pang opisyal ang ibinaba ng ranggo dahil sa kapabayaan na nagresulta sa pagkamatay ni Suacillo.
“The original recommendation was to charge him before civilian courts but I had him court martialed because it is a crime between soldiers,” ayon pa kay Tolentino.
Si Suacillo ay tumanggap ng award dahil sa pagkakapatay kay Jainal Antel Sali alias Abu Solaiman, ang planner ng Abu Sayyaf, sa isang raid ng militar sa kuta ng mga bandido noong Enero 16, 2007.
“He is a big loss to the organization, but sometimes, mistakes happen,” panghihinayang ni Tolentino. (Joy Cantos)