‘Pagdalo sa SONA isang obligasyon’ - solon
Umapela si Bulacan Rep. Lorna Silverio sa oposisyon na tungkulin nila bilang isang mambabatas ang pagdalo at pakikinig sa ibibigay na State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa darating na Lunes.
Sinabi ni Silverio na pananagutan nila sa taumbayan ang pagdalo sa taunang okasyon kung saan ihahayag ng Punong Ehekutibo ang nagawa at gagawin pa ng pamahalaan sa mga susunod na taon.
Aniya, hindi lamang ang mga matataas na pinuno ng pamahalaan ang nagtutungo sa Kamara de Representantes, kundi maging ang mga opisyal ng ibang bansa upang pakinggan ang mga pahayag ng Pangulo.
Naniniwala rin si Silverio na ang hindi pagdalo sa SONA ay pagpapakita ng kawalan ng political maturity at pagiging maka sarili.
Aniya, mahalaga ang SONA dahil dito malalaman ng sambayanan at ng buong mundo kung ano na ang kalagayan ng bansa at kung saan ito patungo.
Kinastigo rin nito ang naging ugali na ng ilang lider mula sa oposisyon na ipagwalang-bahala ang kahalagahan ng SONA sa pamamagitan ng hindi pagdalo sa okasyon.
Ikinatwiran pa ni Silverio na hindi pagsasayang ng oras ang pagdalo sa SONA dahil isa ito sa tungkulin ng mga mambabatas alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending