Sinibak kahapon sa puwesto ang dalawang Commander ng Philippine Marines dahil sa pagkamatay ng 14 sundalo sa Basilan.
Ayon kay Navy Spokesman Commander Giovanni Carlo Bacordo, tinanggal sina Lt. Col. Felix Almadrones bilang Commander ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8 at ang Operations Officer nito na si Major Nestor Marcelino.
Ang Marines ay nasa ilalim ng kontrol ng Philippine Navy kung saan ang mga nasawing sundalo ay pawang kasapi ng MBLT 8.
Si Marcelino ang nagsilbing ground commander ng ambusin ng nagsanib na puwersa ng Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga sundalo habang pabalik na sa kanilang kampo matapos ang bigong paghahanap sa Italyanong bihag na si Fr. Giancarlo Bossi.
“They have been relieved because of command responsibility to make them available on the conduct of the investigations,” ani Bacordo.
Ipinaliwanag ni Bacordo na ang pagsibak kina Almadrones ay hindi bahagi ng parusa kundi bilang ‘standard practice’ upang hindi ng mga ito maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Pumalit kay Almadrones si Lt. Col. Elmer Estilles habang si Major Adolfo Avarate ang hahalili sa puwesto ni Marcelino.
Samantala, dumating na ang karagdagang tropa ng Marines na ibinuhos ng AFP sa Basilan upang maglunsad ng ‘punitive operations ‘ laban sa MILF rebels na binigyan ng 7 araw na palugit ng militar para isuko ang mga berdugo na namugot sa mga sundalo. (Joy Cantos)