Pinabulaanan kahapon ni Government Service Insurance System Vice President Josefina Valera na isang milyong patrabaho ang mawawala sa sektor ng pribadong seguro sa bagong patakaran ng Department of Transportation and Communication sa pagpapalabas ng Compulsory Third Party Liability policies para sa mga motoristang nagpaparehistro ng mga sasakyan. Sinabi ni Valera na hindi kapanipaniwala ang naturang akusasyon ng Buk luran ng Manggagawa sa Industria ng Seguro at Alliance of Non-Life Insurance Workers of the Philippines. Nilinaw niya na ang CTPL insurance premiums na nakokolekta ay kumakatawan lang sa 5.2 porsyento ng kabuoang non-life industry premiums na pumapasok sa industriya. Bukod dito, ipa-farm out rin sa mga lehitimong private insurer ang 80 porsyento ng CTPL business at ang mawawala lang sa eksena ay iyong mga fly-by-night insurance companies na nag-iisyu ng mga pekeng CTPL policies.