Nanawagan kahapon si Paranaque Rep. Eduardo Zialcita sa mga residente ng Metro Manila na tipirin ang paggamit sa tubig dahil nasa kritikal na ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Ayon kay Rep. Zialcita, bagama’t patuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, hindi naman dumarami ang water level sa nasabing dike.
Sinabi pa ni Zialcita na hindi naman gugustuhin ng mga residente na magrasyon na lamang ng tubig sa kanilang mga pamayanan kaya ngayon pa lamang ay dapat magkaisa na ang lahat upang maiwasan ang krisis.
Hiniling din nito sa Maynila at Manila Water Co. na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa mga illegal na koneksyon ng tubig dahil isa ito sa mga sanhi ng walang habas na paggamit sa tubig ng walang kapalit na binabayaran. (Butch Quejada)