Sore eyes laganap sa Caloocan

Pinag-iingat ni Ca­loocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang mga residente sa sakit na sore eyes na laganap ngayon sa lungsod.

Ito ay matapos mag­pa­labas ng babala ang City Health Department (CHD) sa pamamagitan ng pi­nuno nitong si Dr. Racquel So-Sayo, na uso na ang sakit na conjunctivitis o sore eyes sa Caloocan.

Ayon kay So-Sayo, hindi naman dapat ma­bahala ang mga resi­dente kahit na madaling maka­hawa ang sakit na ito, lalo na sa mga taong may ma­hinang resisten­sya. Mas mabilis din itong kumalat sa matataong lugar.

Aniya, walang toto­ong gamot sa sakit na ito dahil sanhi ito ng isang virus, na siya ring dahilan kung bakit mabilis itong makahawa, ngunit kusa din naman itong guma­galing.

“Mabisang paraan upang makaiwas sa sakit na ito ay ang madalas na paghuhugas ng ating mga kamay pati na ang pag-iwas sa pagkukusot ng mga mata,” pahayag ni So-Sayo.

Kaugnay nito, pinayu­han naman ni Echiverri ang mga empleyado ng lungsod na mag-file na lamang ng kanilang leave of absence kapag nada­puan sila nito.

“Mas mabuting mag-file na lamang ang ating mga kawani ng kanilang leave upang sila’y ma­kapagpahinga’t makapag­pa­galing kaysa naman mahawaan pa nila ang iba nilang kasamahan at mga kliyente sa opisina,” pa­hayag ng alkalde. (Lordeth Bonilla)

Show comments