Instant millionaire ngayon ang isang Pinay babysitter sa Saipan matapos ipag-utos ng korte doon na bayaran siya ng dating amo ng mahigit sa P13 milyon (US$285,186.10) bilang danyos sa hindi pagbigay ng tamang sahod sa loob ng limang taon.
Napatunayan ng korte na lumabag sa batas si Ricardo Bautista, isa ring Pinoy at dating Consular Assistant sa Philippine Consulate general sa Saipan, dahil sa hindi pagbabayad sa kasambahay niyang si Glenda R. Tinay sa mga serbisyo nito bilang katulong at babysitter.
Sa employment contract ni Tinay kay Bautista, nakasaad na mababayaran ang una ng US$5.25 kada oras at additional pay per hour ng overtime work bilang babysitter at all-around housemaid.
Sinigurado rin ng employer nito na siya’y mabibigyan ng “free furnished accommodation, food, and working clothes during the term of the contract.”
Gayunman, sa loob ng paninirahan nito sa bahay ng diplomat mula July 8, 2002 hanggang Jan. 27, 2007 ay napagkaitan ito ng nabanggit na mga pribilehiyo at wala ring nakuhang suweldo. (Joy Cantos)