P250-M buwis, nawawala kada taon dahil sa motor insurance policy
Umaabot sa kabuuang P250 milyon halaga ang nawawala sa kaban ng pamahalaan taun-taon mula sa buwis dahil sa paglipana ng mga pinekeng Insurance Commission-Certificates of Compliance (IC-COCs).
Nabatid sa isang opisyal ng Insurance Commission na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil sa pangambang mabalikan, ang bilang ng mga rehistradong sasakyan kumpara sa naisyung IC-COCs ay hindi umano tugma.
Sa rekord noong taong 2004, umaabot sa 1.9 milyong COCs ang naisyu ng Komisyon habang sa talaan ng Land Transportaion Office (LTO) ay nagpapakita na may 4.3 motor vehicles ang nairehistro.
Ayon dito, ang naipalabas na COCs ay dapat na katumbas ng bilang ng mga sasakyan na nairehistro sa LTO subalit lumalabas na may labis na 2.4 milyon.
Sinasabing ang pagkakamali ay kagagawan umano ng isang IT system na walang online at real time connection sa LTO IT system para sa tamang bilang ng insurance data.
- Latest
- Trending