Tinukoy kahapon ng Presidential Task Force Against Media Harassment na mga miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines ang nasa listahan ng mga pinaghihinalaang nasa likod ng pagdukot at pagkawala ng aktibistang si Jonas Joseph Burgos.
Inatasan ng task force na pinamumunuan ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco si National Bureau of Investigation Director Nestor Mantaring na imbestigahan at ipatawag sina T/Sgt. Jason Roxas, PA; CPL. Maria Joana Francisco, PAF, at naka-talaga sa MIG 15 of ISAFP; M/Sgt. Aron Arroyo, PAF, ng MIG 15 of ISAFP; 1st Lt. Jaime Mendaro, PA, ng 56th Infantry Batallion; at Lt. Col. Noel Clement ng 56th IB at nakatalaga sa Escort and Security Batallion (PA) sa Fort Bonifacio. Bagaman lima ang binabanggit, kasama sa iniimbestigahan ang isang Alyas T.L. ng MIG 15.
Sinabi ni Velasco na isang mapagkakatiwalaang impormante ang nagbigay sa task force ng pangalan ng posibleng sangkot sa pagdukot kay Burgos na anak ng isang press freedom fighter na si Jose Jr.
Sinabi ng impormante kay Velasco na dinukot si Burgos dahil sa matagal na umano itong tinitiktikan ng militar simula noong Oktubre ng nakaraang taon dahil pinaghihinalaang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Hiniling din ng task force sa NBI na imbestigahan at ipatawag ang security guard na si Larry Marquez at Mrs. Elsa Agasang ng Hapag Kainan Restaurant bilang mga saksi at ilagay ito sa Witness Protection Program ng DOJ.
Si Burgos ay dinukot noong Abril 28 ng mga armadong lalaki sa Hapag Kainan Restaurant sa Ever Gotesco mall sa Commonwealth Ave., Quezon City.