Doble ng kanilang sahod ang tatanggapin ng mga manggagawa kapag pumasok sila sa trabaho sa Hunyo 11.
Ito ang inihayag kahapon ni Department of Labor and Employment Secretary Arturo Brion na nagpaalala sa mga employer na maglaan ng additional pay sa kanilang manggagawa kapag pumasok ang mga ito sa naturang petsa na idineklara ng pamahalaan bilang non-working holiday.
Ipinaliwanag ni Brion na ang mga manggagawa sa pribadong sektor ay kailangang tumanggap ng 200 percent additional pay kapag nagtrabaho ang mga ito sa susunod na Lunes.
Idiniin pa ng kalihim na tatanggapin ng manggagawa ang kanyang regular na sahod sa Lunes kahit day-off niya ito o araw ng trabaho.
Kapag dayoff anya ng isang manggagawa sa Hunyo 11 pero nagtrabaho ito, tatanggap siya ng 260 percent ng kanyang regular na sahod at 30 percent para sa overtime. (Mayen Jaymalin)