Isang immigrant na Pilipino sa California, USA ang sinentensyahan noong Huwebes ng isang Superior Court jury dahil sa pagpatay niya sa isa niyang kapitbahay.
Sinasabi sa ulat ng lingguhang Union-Tribune na napatunayan ng jury na nagkasala ng second-degree murder ang akusadong si Estracio Nacilla Jr. dahil sa pananaksak at pagpatay niya sa biktimang si Terry Miller, 41, noong Enero 23, 2006 sa San Marcos, San Diego.
Inaasahang sa susunod na pagdinig ng korte sa Hulyo 12, papatawan si Nacilla ng parusang 16 taong pagkabilanggo.
Sa closing argument, iginiit ni defense attorney Jeff Reichertt na naniniwala si Nacilla na binabastos ito ni Miller bago ito napatay. Nagharap din ng ebidensya ang abogado na nagpapatunay na isang paranoid schizophrenic ang kanyang kliyente.
Nagbanta rin anya ang kanyang kliyente na saktan ang sarili nitong pamilya at minsan na nitong binato ng hollow block sa ulo ang isa nitong kapatid. Hindi anya alam ng kanyang kliyente ang ginagawa nito dahil sa diperensya sa pag-iisip nito.
Ayon naman sa tagausig na si John Philpott, pinatay ni Nacilla si Miller dahil naiinsulto ang akusado sa ugali ng biktima. Kasalukuyang nakakulong si Nacilla sa Vista jail.