Senate Presidency aagawin ni Nene kay Villar
Tatangkain umano ni Senate Minority Floorleader Aquilino “Nene” Pimentel na agawin kay Senate President Manuel Villar ang liderato ng Senado sa pagbubukas ng ika –14 sesyon ng Kongreso.
Sa kasalukuyan ay matunog ang pangalan ni Pimentel na siya umanong mahigpit na makakalaban ni Villar sa nasabing posisyon habang may tsansa rin si Sen. Mar Roxas sa nasabing posisyon.
Maugong ang pangalan ni Pimentel para humalili sa puwesto ni Villar, ito’y sakaling desisyunan ng mayorya ng oposisyon na nakakopo sa Senado kung dapat na ngang palitan ang huli o panatilihin sa kanyang puwesto.
Bagaman nangunguna si GO bet Loren Legarda sa ranking ng mga senatoriables ay masyado pa itong bata para pamunuan ang Senado.
Una na ring inihayag ni Legarda na wala pa sa kaniyang interes ang maging Senate President at hindi pa niya ito pinag-iisipan sa kasalukuyan.
Tumanggi naman si Pimentel na magkomento sa nasabing isyu habang si Villar ay tiwalang mapapanatili niya ang pagiging Senate President.
Sa panig naman ng GO, sinabi ni Spokesman Atty. Adel Tamano na ang pag hawak ng liderato sa Senado ay ibabase sa ‘coalition vote’ ng oposisyon.
Pero hindi pabor si Sen. Panfilo Lacson sa panukalang magkaroon ng term-sharing sa paghawak ng liderato sa Senado.
“We don’t want sharing of the Senate presidency. We want a clear vote of confidence with the Senate leadership para walang aberya,” ani Lacson.
Samantala ayon naman sa grupo ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, matibay rin ang indikasyon na mapapanatili ni Villar ang kaniyang posisyon dahil sa matibay na samahan ng Wednesday Club ng huli.
“I think Wednesday Club will remain and will grow even stronger... It might be difficult for Senate Pimentel although we can never tell,” giit pa ni Santiago. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending