Pinababasura ng Kor te Suprema ang kasong rebelyon na isinampa ng gobyerno laban kay Anakpawis Partylist Rep. Crispin Beltran at sa mga miyembro ng tinaguriang Batasan 5.
Sa 23-pahinang desisyon ng SC 2nd division sa pamamagitan ni Associate Justice Antonio Carpio, iginiit ng SC na walang probable cause para kasuhan ng rebelyon si Beltran at tinaguriang Batasan 5 na sina Gabriela Rep. Liza Maza, Anakpawis Rep. Joel Virador, Bayan Muna Reps. Satur Ocampo, Teodoro Casino at Rafael Mariano.
Ayon sa SC, dapat may uprising at paggamit ng armas bago matawag na rebelyon, na wala sa kaso ni Beltran at sa Batasan 5.
Nabigo ring sundin ng inquest prosecutors ang nakasaad sa rules of proceedings kaugnay sa pagpapatupad ng warrantless arrest nang arestuhin si Beltran sa Marilao, Bulacan noong Pebrero 2006.
“The allegations in these affidavits are far from the proof needed to indict Beltran for taking part in an armed public uprising against the government...none of the affidavits stated that Beltran committed specific acts of promoting, maintaining, or heading a rebellion as found in the resolution of the DoJ,” nakasaad pa sa desisyon ng SC.
Sinabi pa ng SC, sa mga isinumiteng affidavits ay sina Ruel Escala at Raul Cachuela lamang ang nagsasabing kabilang si Beltran sa nagbabalak patalsikin sa puwesto si Pangulong Arroyo noong anibersaryo ng EDSA 2.
“None of Beltran’s arresting officers saw Beltran commit, in their presence, the crime of rebellion. Nor did they have personal knowledge of facts and circumstances that Beltran had just committed rebellion, sufficient to form probable cause to believe that he had committed rebellion,” paliwanag pa ng High Tribunal sa desisyon nito.
Magugunita na nag-isyu ng Presidential Proclamation 1017 si PGMA noong Feb. 24, 2006 kung saan ay inilagay ang bansa sa state of national emergency kasunod ang pag-aresto kay Beltran na ikinulong sa Camp Crame. Kinasuhan si Beltran at 1st Lt. Lawrence San Juan at iba pa dahil sa planong pagpapatalsik sa gobyerno sa pamamagitan umano ng sabwatan ng Communist Party of the Philippines at Makabayang Kawal Pilipino.
Nagpalabas naman ang Department of Justice ng resolusyon kung saan ay sinabing mayroong probable cause para kasuhan sina Beltran at San Juan ng rebelyon noong Feb.27, 2006 sa Makati Regional Trial Court.
Sa desisyon ng SC, inutusan nito ang Makati RTC na palayain si Beltran kung wala nang ibang kaso na kinakaharap. (Rudy Andal)