Sinibak ng tanggapan ng Ombudsman mula sa serbisyo ang Chief Accountant ng Armed Forces of the Phils. (AFP) dahil sa pamemeke ng kanyang Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALNs).
Sa 29-pahinang desisyon, sinabi ni Ombudsman Ma. Merceditas N. Gutierrez na napatunayang guilty si Generoso Reyes del Castillo, Jr. sa kasong Grave Misconduct, Dishonesty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Bunsod nito, inutos ni Gutierez na kanselahin ang eligibility, pagkumpiska sa retirement benefits nito at hindi na maaari pa itong mabigyan ng anumang puwesto sa gobyerno.
Sa record, si del Castillo ay pumasok sa gobyerno noong Aug. 1, 1971 bilang Accounting Clerk hanggang sa maging Chief Accountant ng AFP noong Dis. 29, 1994.
Sa kanyang SALN para sa taong 1994–2004, ang total income niya at ng asawang si Grace Victoria del Castillo sa loob ng 11 taon ay umaabot sa P10,233,736.86.
Sa 2004 SALN ni del Castillo, nagkaroon siya ng real at personal several properties na may halagang P14,463,901 pero hindi nito dineklara ang ilan pa nitong ari-arian at business interest tulad ng house and lot sa Sta. Mesa, Manila at mga negosyo nilang mag-asawa.
Bukod sa mga magagarang sasakyan, mangilang beses na ring nagtungo sa US, Europa at sa mga bansang Asya si del Castillo. (Angie dela Cruz)